Boac, Marinduque – Sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Educational Theater Association (PETA)
sa Marinduque State College (MSC) Theater Guild, nagkaroon ng kampanya para sa voters
education sa pamamagitan ng Rak the Vote campaign.
Ang nasabing gawain ay binubuo ng sarbey sa mga first time voters ng hindi bababa sa 300
mag-aaral mula sa mga School of Arts and Sciences, Education, Laboratory School at
Governance. Pagkatapos ay may pagpapatala gamit ang ticket2me na platform upang
makapanood sa loob ng 48 oras ng dulang “Juan Tamad, ang Diyablo at ang 5,000,000 boto.”
Pagkatapos ng online screening ng nabanggit na dula ay nagkaroon ng talkback session kung
saan ang mga influencers mula sa We the Youth Vote na sina Macoy Averilla at Thysz Estrada ay
nagbahagi tungkol sa resulta ng sarbey na sinagawa sa mga MSCIans at mga pagbabaliktanaw
sa dulang si Juan Tamad, ang Diyablo at ang 5,000,000 boto.
Nagkaroon din ng mga palaro, pakikilahok at palitang-kuro sa pamamagitan ng zoom pinadaloy
ng PETA ang humigit kumulang na 217 na mga MSCIan na kumuha ng BA English Language
Studies, BA Communication, BS Social Work, Bachelor in Culture and Arts Education, Political
Science at Public Administration maging senior high school.
Umaasa ang PETA sa pamamagitan ng Rak the Vote campaign na isasagawa sa buong bansa ay
makakahikayat sa mga first time o virgin voters na makilahok sa darating na 2022 na
pambansang halalan. Gayundin, naniniwala ang MSC Culture and Arts Unit sa pamamagitan ng
adbokasiya at kampanya ay mapapaunlad ang kamalayan ng mga manonood at mga manlilikha
upang maging mas malaya at makabuluhan ang ginagawang sining.
Ang PETA ay mayroon nang mahigit sa limang dekada na karanasan sa adhikaing pangkaunlaran
sa bisa ng dulaan. Ang MSC Theater Guild naman ay residenteng pangkat pangdulaan ng MSC
Culture and Arts na nakapagtanghal na sa huling apat na taon ng mga dula sa Marinduque.
Abangan pa ang kasunod na Rak the Vote campaign ng PETA sa mga paaralan na malapit sa
inyo. Antabayanan rin ang mga pangmidyear na gawain ng MSCCA para sa dulaan, musika at
sayaw sa kanilang Facebook page na MSC Kalinangan at Sining maging sa Youtube channel na
MSCCA TV.