Virac, Catanduanes– Idaraos sa Catanduanes State University ang Pangsiyam na Philippine Association for the Study of Culture, History and Religion (PASCHR) Inc. sa darating na Mayo 18-20 sa pamamagitan ng hybrid modality o onsite at online na paraan. Ang tema ngayong taon ay “Narratives and Practices of meaning-making: histories, cultures and religions in the Philippines in their Indo-Pacific contexts.”

Para sa ika-9 na Pandaigdigang kumperensiya ay nanatili at nagpapatuloy na nagbibigay halaga sa mga ugnayan ng kasaysayan, kultura at paniniwalang pangrelihiyon. Tampok ngayon sa bisperas ng unang dekada nito ang usapin ng pagbibigay kahulugan at pagpapakahulugan o “meaning-making.”

Kasama ang mga papel, pananaliksik o pag-aaral na may kinalaman sa historikal na usapin, ethnograpiya, linggwistika o pampanitikan, kolektibong identidad, mga tala nasa laylayan, pangrelihiyong isyu at gawain kagaya ng mga ritwal o ritual-like na kumakatawan sa mga paniniwala, pananaw-sa-daigdig, ideolohiya at ontolohiya. Kaugnay nito ang mga papel sa mga yugtong pangkasaysayan: pre-kolonyal, kolonyal, kontemporaryo o dinamikong ugnayan nito. Kontekstuwalisasyon ng mga Indo-Pasipikong pagpapakaluhugan, paglalahad sa mga tapos na, ginagawa pa, rebyu ng panitikan o analitikal/ teoreitikal na pagtalakay. Maaari din ang mga panel o pangkatang paglalahad maging terminong papel mula sa mga gradwado at undergraduate na mga mag-aaral ay puwede ipasa upang umabot sa deadline sa Marso 31. Ang pagpapadala ng mga liham ng pagtanggap ay sa paggitan ng Abril 5-10 at ang pasahan ng buong papel ay sa darating na Mayo 10.

Ang Catanduanes State University (CatSU) ay pangunahing institusyong pang-edukasyon sa rehiyon ng Bikol at sa kapuluan ng Pilipinas. Samantala, ang PASCHR ay isang pambansang samahang kinikilala ng International Association for the History and Religions (IAHR) na kaagapay ng UNESCO. Naglalayon ang PASCHR na makapag-ambag ng pormulasyon ng pambansang pagkakakilanlang Filipino sa pamamagitan ng interdisiplinaryo at transdisiplinaryong pananaliksik at iskorlarship sa bansa. Para sa dagdag na detalye maaaring mag-email sa paschr2014@gmail.com o kumuha sa paschr.ph ng update.